the COLLEGE 2.0

ROLLER COASTER

Kung sakaling ipapaliwanag ko man ang college life ko, malamang roller coaster ang pinakaperpektong bagay na maihahalintulad ko rito. Maliban sa ups and downs, mas nangingibabaw ang kaba at takot. Hindi siya fun ride pero pwede mong gawin ng solo flight. Gawa na ang sistema. Kailangan mo nalang matapos ang round na yun. Hindi masama kung dalawang round ang biyahe. Ang mahalaga, matapos mo at makababa ka.


Hindi pare-parehas ang bakas na iniwan sa atin ng kolehiyo. Pero nakasisigurado akong may impresyon itong mananatili sa atin; mapait, matamis, maanghang, maalat, matabang... pero masarap ang linamnam. Minsan, kailangan mo lang ulit tikman para malaman.


Mapalad ako. Sa lahat ng bagay na meron at nangyari sa akin sa yugto na ito ng buhay ko. At dahil diyan, nagpapasalamat ako sa bawat isang bumuo nito.


Hindi ito ang landas na ginusto ko. Nakakabastos sa mga nagnais pero alam kong hindi ito ang tunay na ninanais ng puso ko. Hindi ito ang tunay na pinapangarap ko. Maaring may ipinapahiwatig ang mundo kung kaya't ipinadpad niya ako sa dakong ito.


Bawat isa ay may isinakripisyo. Ang iba mas marami, ang iba mas kakaunti. Pagbalik, hindi angkop sa nawala sa iyo. Mapapaisip ka nalang, hindi talaga patas ang mundo. Marahil may tadhanang para sa iyo lamang. Isang bagay na hindi mo maihahalintulad sa iba.


Kasama ng impresyon ay ang ala-ala. Isa sa mga bagay na lubos kong pinahahalagahan. Pagsasamahan sa bawat ikot ng buhay.


Hindi lahat ay nagtatapos dito. Sinasabi ng iba ito palang ang simula, ngunit di din nagkakamali ang nakararami.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

IDentity

Camaron